MANILA, Philippines - Timbog ang isang kagawad ng pulisya at isang kasamahan nito matapos na maaktuhang tumitira ng shabu sa loob ng isang sasakyan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga suspect na sina PO2 Mark Erickson Cañete, 35, nakatalaga sa PNP Region 4B at kasamahan nitong si Archibald Arguelles, 34, ng Tower Condominium Aurora Blvd., Cubao.
Ang mga suspect ay naaresto habang tumitira ng shabu sa loob ng Honda Civic na nakaparada sa may Hillcrest compound sa Brgy. Immaculate Concepcion sa lungsod, ganap na alas-6:10 ng gabi.
Sinasabing nakauniporme pa si Cañete, nang masakote ng mga operatiba.
Naaresto ang mga suspect ng tropa ng District Special Operation Unit sa pangunguna ni SPO2 Nilbert Porlucas habang ang mga ito ay nagsasagawa ng anti-illigal gambling operation sa nasabing lugar, bunga ng ulat na rampant ang jueteng dito.
Habang nagpapatrulya, natiyempuhan ng tropa ang isang nakaparadang Honda Civic at nang kanilang tingnan ay naaktuhan nila ang mga suspect habang tumitira ng shabu, dahilan para sila arestuhin.
Base sa impormasyon, si Cañete ay nautusan ng kanyang mother unit sa Camp Crame at pagkatapos ay nagpunta ito sa nasabing lugar kung saan inaya umano ito ng isang kaibigan sa isang squatters’ area para bumili ng droga.
Nang makabili ay saka na nila ito tinira hanggang sa sila ay matiyempuhan ng mga operatiba.
Narekober sa mga suspek ang dalawang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.