MANILA, Philippines - Isang chief security officer at Board of Director ang itinuturong responsible sa pagpapakulong ng tatlong araw sa mag-ina sa loob ng tennis court ng First BF Homes sa Las Piñas City noong Huwebes.
Ayon sa salaysay ng mga security guards sa pulisya, si Rene de Belen, chief security officer ng First BF Homes, ang nag-utos sa kanila na ikulong ang mag-inang sina Fe Gadiente at anak na menor-de-edad sa loob ng tennis court.
Nahaharap ngayon sa kasong illegal detention at samu’t saring kaso si De Belen sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.
Nailigtas na rin ng pulisya ang mag-ina matapos na magsumbong ang mga concerned citizens ng nasabing subdivision.
Ayon kay Sr. Insp. Macario Mailon, hepe ng Almanza Dos Police Precinct, idinaan sa isang lagusan sa gilid ng naturang court ang mag-ina.
Ikinulong umano ng mga security personnel ng First BF Homes Homeowners Association ang mag-ina noong Huwebes ng madaling araw habang natutulog ang mga ito.
Sa utos ng pulisya, binaklas na ni Manolo Padrilan, presidente ng tennis club ang ikinabit na padlock ng HOA sa paniwalang sila na ang may pangangasiwa sa naturang tennis court.
Tinututulan ng tennis club ang naturang pag-takeover umano ng HOA sa court na mahigit 40 taon na umano nilang hawak.