Miyembro ng 'Dugo-dugo',timbog sa entrapment

MANILA, Philippines - Isang miyembro ng dugo-dugo gang ang na­dakip matapos nitong tangkaing biktimahin ang isang kasambahay sa Malabon City kamakalawa.

Nakilala ang suspek na si Jonathan Viray, 35, ng Brgy. Panghulo, Obando, Bulacan.

Sa ulat ng Malabon City Police, nabatid na nakatanggap ng tawag sa telepono si Mylene Cruz, 29, mula sa isang lalaki na nagsabing nakaaksidente umano ang among si Manolo Cayetano at nanga­ngailangan ng malaking halaga upang ipang-areglo.

Inutusan pa ng kausap si Cruz na pasukin ang kuwarto ng mga amo at kunin ang mga alahas at pera subalit mabilis na nakapag-isip si Cruz na tinawagan ang among babae upang matiyak kung nasaan ang among lalaki.

Nakumpirma na nasa junkshop ang among lalaki bago inatasan ng among babae si Cruz na makipagpatuloy sa pakikipag-usap sa telepono habang humingi ng tulong sa mga pulis ang among babae.

Nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis hanggang sa makumbinsing makipagkita si Cruz.

Bitbit ni Cruz ang dalawang gintong bracelet at kuwintas na may pendant na aabot sa halagang P52,000 ay nagpunta ito sa Katipunan St., Brgy. Bayan-Bayanan ng nabanggit na lungsod.

Dakong alas-5:00 ng hapon, lumutang ang suspek at nang tanggapin ang dala ni Cruz ay mabilis na sumulpot ang mga pulis na nakapalibot na at agad na dinakip ang suspek.

Show comments