MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang lalaki makaraang arestuhin ng mga pulis sa isinagawang entrapment operation habang ibinibenta ang isang nakaw na cellphone na ipinaskil niya sa isang website ng buy-and-sell sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Nakilala ang suspect na si Rafael Lopez, 28, ng Judge Jimenez St., Brgy. Kamuning sa lungsod. Siya ay inaresto makaraang ireklamo ng biktimang si Jose Don Babon, 23, Pook Pagasa, Brgy., Batasan Hills sa lungsod.
Nabuko ni Babon ang operasyon ni Lopez matapos na makita ng una sa isang website na sulit.com.ph at sa buy-and-sell na babasahin na ibinibenta ng huli ang kanyang cellphone.
Ayon kay Babon, nawala ang kanyang Nokia C3-00 noong September 19, at ilang araw ang nakalipas nang buksan niya ang website ng naturang buy-and-sell site ay nakita niyang ipinagbibili ito.
Dito na nagpasya si Babon na dumulog sa pulisya kung saan ikinasa ang isang entrapment operation sa pamamagitan ng pakikipagtransakyon ng awtoridad sa nagbebentang si Lopez.
Sa isang fastfood sa Araneta Center sa Cubao isinagawa ang entrapment ganap na alas-5:30 ng hapon kung saan nang iabot ng suspect ang cellphone sa operatiba ay saka ito inaresto.
Positibong kinilala ni Babon ang kanyang nawawalang cellphone dahil sa nag-match ang serial number nito sa kanyang resibo. May palatandaan din anya itong inilagay sa labas ng cellphone kung agad niyang nakilala ito nang makita sa website.
Nakapiit ang suspect sa PS7 sa kasong paglabag sa anti-fencing law.