Demolisyon sa Makati, naging marahas: 16 sugatan
MANILA, Philippines- Muling naging marahas ang isinagawang demolisyon ng pamahalaang lungsod ng Makati sa mga kabahayan sa isang squatter’s area sa Guatemala St., Brgy. San Isidro makaraang magpaulan ng malalaking tipak ng bato at bote ang mga residente na tumanggi sa alok na relokasyon.
Tinatayang aabot sa 16 katao ang iniulat na nasugatan sa naganap na demolisyon. Nabatid na madaling-araw pa lamang ay nagbarikada na ang mga residente laban sa demolition team makaraang magtapos ang palugit na itinakda ng pamahalaang lungsod para kusang lisanin ang naturang lugar.
Nagkaroon pa umano ng dayalogo sa pagitan ng mga residente at ni Makati Police chief, Supt. Jaime Santos na nakiusap na kusang-loob na lisanin ang lugar. Hindi naman pumayag ang mga residente na hinaluan pa ng militanteng grupong Kadamay kaya lalong tumaas ang tensyon.
Nag-umpisa ang karahasan nang unang magtangkang lumapit ang demolition team at mga tauhan ng PNP Civil Disturbance Management Unit dakong alas-11 ng umaga. Nabigo ang demolition team na makapasok sa lugar dahil sa dami ng bato at boteng pinaulanan ng mga residente habang naubusan ng tubig ang trak ng bumbero na nagbibigay-suporta sa kanila.
Isang hindi pa nakilalang “cameraman” ng isang television network ang sinasabing nasugatan makaraang tamaan ng bato. Makaraan ang unang bugso ng pambabato, napilitan nang umatras ang demolition team.
Unang nagpalabas ng pahayag si Makati Mayor Junjun Binay na higit kalahati na ng mga pamilya na naninirahan sa Guatemala Street ay tinanggap na ang alok na relokasyon sa Calauan, Laguna o ang financial assistance na P24,000.
Tanging higit sa 100 pamilya na lamang umano na posibleng binubuo ng mga propesyunal na iskuwater ang nagmamatigas na umalis sa lugar. Nabatid na pagtatayuan ang naturang 870 sq. meters na lupain ng isang “multi-purpose hall at sports complex”.
- Latest
- Trending