MANILA, Philippines - Bawal na ang pagpasok ng mga mag-aaral sa elementary at hayskul sa mga computer shops sa panahon na may pasok sa Quezon City.
Ito ay makaraang lagdaan ni QC Mayor Herbert Bautista ang napagtibay na ordinansa kung saan ang mga mag-aaral na gagawa ng research at school work lamang ang papayagang pumasok mula alas-4 ng hapon at alas-11 ng gabi sa alinmang computer rental shops o Internet cafés tuwing may pasok sa eskuwelahan.
Nakasaad din sa bagong ordinansa na ang may-ari ng Internet cafés o computer rental shops ay dapat na tingnan ang IDs at class schedule ng mga mag-aaral upang matiyak na naipatutupad ang batas na ito.
Kasama rin sa ordinansa ang pagbabawal sa pornography at on-line gambling sa mga Internet cafés o computer rental shops kung saan dapat na lagyan nang maayos na ilaw ang loob ng establisimiento para mamonitor ang mga tao sa loob nito.
Ang mga lalabag sa nasabing ordinansa ay pagmumultahin ng P2,000 hanggang P5,000 at posibleng pagsuspinde ng lisensiya o business permit ng computer shops.