MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng lalaki na sinasabing biktima ng summary execution ang natagpuan sa Quezon City kahapon ng madaling-araw. Ayon sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang dalawa na inaalam pa ang pagkakakilanlan ay kapwa may tama ng bala ng baril sa ulo at katawan. Ang unang bangkay ng lalaki na may dalawang tama ng bala ng baril, nakagapos ng alambre ay natagpuan bandang alas-2 ng madaling-araw sa bangketa ng Samonte St. sa Brgy. Nagkaisang Nayon. Narekobrer sa crime scene ang mga basyo ng M-16 Armalite rifle. Ang ikalawang bangkay naman ay nadiskubre dakong alas-3 ng madaling-araw sa bangketa rin sa Brgy. Kaunlaran na tinatayang 40 hanggang 45-anyos na may malalim na sugat sa ulo habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.