MANILA, Philippines - Apat na pinaghihinalaang big time drug dealer kabilang ang dalawang Chinese national ang nasakote ng anti-drug operatives ng Quezon City Police at National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagresulta rin sa pagkakasamsam sa 2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P12.6 milyon sa isinagawang drug bust nitong Huwebes ng gabi sa Quezon City.
Sa report na tinanggap ni NCRPO Chief P/Director Leonardo Espina ang mga nasakoteng suspect na sina Manan Jalal Mua, 38, ng Marawi City; Bocarie Somagen, 26 , ng Lanao del Sur at ang dalawang Chinese na sina Mao Yuaning, 49, ng Binondo, Manila at isang tinukoy sa alyas na Lao.
Ayon kay Espina , dakong alas-7:45 ng gabi ng magsagawa ng operasyon ang mga pulis sa panulukan ng Banawe at Catalina Sts. sa Quezon City.
Isang poseur-buyer ng mga awtoridad ang nagpanggap na bibili ng shabu kung saan inaresto at agad pinosasan ang mga suspect habang iniaabot ang 1 kilo ng shabu.
Nasamsam naman mula sa loob ng behikulo ng mga suspect na isang Toyota Vios (ZEH 846 ) ang isa pang kilo ng shabu na pinaniniwalaang idi-deliber ng mga suspect sa kanilang mga kostumer sa Metro Manila.
Sa kabuuan, nakumpiska sa mga suspect ang may dalawang kilo ng shabu na may street value na P12.6 million. Napag-alaman na ang street value ng shabu ay P6.9 million kada kilo.