No. 2 most wanted, arestado

MANILA, Philippines - Naaresto na ng Valenzuela City Police ang No. 2 Most Wanted criminal sa lungsod at dalawang kasamahan nito nang matiyempuhan na tumitira ng shabu, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nadakip na si Mario Alvarez, 32, ng F. Bautista, Marulas, ng naturang lungsod. Nabatid na nahaharap si Alvarez sa kasong pagpatay sa isang Wilfredo Flora, 48, noong Oktubre 5, 2010 bukod pa sa kasong panggagahasa sa 12-anyos na dalagita.

Kasamang naaresto sina Rabbie Baldecantos, 30; at Lovely Baldecantos, 22, na nahuli sa akto ng pagsinghot ng shabu dakong­ alas-6 kamakalawa ng gabi sa Brgy. Marulas.

Nabatid na may nagbigay ng impormasyon sa pulisya ukol sa pagbalik sa naturang lugar ni Alvarez na naghahanap ng maiiskor na iligal na droga. Agad namang nagsagawa ng operasyon ang pulisya kung saan sinalakay ang bahay ng mga Baldecantos at natiyempuhan ang nagaganap na pot session.

Show comments