Sunog sa QC: 2 natusta
MANILA, Philippines - Dalawa ang patay kabilang ang isang 4-anyos na batang lalaki sa sunog na naganap na tumupok sa may 100 bahay sa Brgy. Manresa, lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection ng Quezon City, nakilala ang mga nasawi na sina Alexander Espiña, 4, at Madelyn Soliman, 23, kapwa residente sa Mauban St., sa nasabing barangay. Ang naturang bahay ay pag-aari ng isang Angelina Espiña.
Sinasabing ang mga biktima ay nasawi makaraang ma-trap sa loob ng kanilang tinutuluyan nang magsimulang maglagablab ang apoy ganap na ala-1:50 ng madaling-araw.
Sa ulat ni SFO4 Jose Felipe Arreza ng Investigation Unit ng Central Fire Station, unang nakita ang bangkay ng bata matapos na ideklara itong fire-out pasado alas-5 ng madaling-araw.
Habang natagpuan naman ang bangkay ni Soliman, boarder ng pamilya Espiña, ganap na alas-11 ng umaga sa isinasagawang clearing operation ng BFP.
Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng pamilya Espiña. Dahil gawa lamang sa light materials ang bahay, mabilis na kumalat ang apoy, hanggang sa tuluyang lamunin ito at kumalat sa katabing bahay.
Kasalukuyang nasa loob ng nasabing bahay ang bata, partikular sa ikalawang palapag, kung kaya nang lumaki ang apoy hindi na ito nagawang makalabas.
Umabot sa Task Force Alpha ang sunog, kung saan nahirapan ang tropa na agad itong maapula dahil dikit-dikit ang mga bahay at masikip, saka kinapos din sila ng suplay ng tubig. Higit sa 100 kabahayan ang nadamay sa sunog katumbas ng 800 pamilya ang naapektuhan nito. Habang tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
- Latest
- Trending