Engineer patay sa tandem na holdaper

MANILA,Philippines - Patay ang isang electrical engineer habang isa pa ang su­gatan sa ligaw na bala makaraang pagbabarilin ang una ng riding in tandem na holdaper habang ito ay naglalakad patungo sa isang fellowship sa kanilang simbahan sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Kinilala ni PO2 George Caculba, ang nasawi na si Ronald Triguero, 44 at residente ng Yale St. Brgy E. Rodriguez Cubao, Quezon City.

Ayon kay Myrabell, asawa ng biktima, dalawang lalaki na sakay ng isang walang plakang motorsiklo ang bumaril sa kanyang asawa at kumuha ng sling bag nito.

Sabi ni Myrabell, tanging isang song book, identification card, at Bible lamang ang laman umano ng nasa­bing bag.

Samantala, isang bystander na nakilalang si Yolando Riano, 58, ang sugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala sa likod. Siya ay kasalukuyang gina­gamot sa East Avenue Medical Center.

Nangyari ang insi­dente sa kanto ng Yale at New York St. sa Cubao, ganap na alas-7:30 ng gabi.

Sinasabing naglalakad ang mag-asawa patungo sa simbahan nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang mga suspect at pagbabarilin ang kaniyang asawa.

Nang bumuwal sa kalsada ang biktima ay saka kinuha ng mga suspect ang bag nito at mabilis na tumakas patungo sa hindi mabatid na direksyon. Nagawa pang isugod sa National Kidney Institute ang biktima subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.

Show comments