11 pulis inireklamo ng 'kotong' ng balikbayan

MANILA, Philippines – Pinipigil na ngayon sa Manila Police District-General Assignment Section ang isang tauhan ng MPD-Station 4, habang ang isa pa ay nasa kostudi naman ng PNP sa Camp Crame Quezon, matapos dumulog sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang isang Canadian citizen na pinigil sa MPD-station 4 at pinalaya matapos makapagbigay ng umano’y P1-milyon, nitong nakalipas na Biyernes.

Nabatid na ipina-medical na ang lumutang na si PO1 Joseph Vistan,  si SPO3 Sonny Nosidal, naman na miyembro ng Police Security Protection Group (PSPG) ay iniimbestigahan na at lumutang umano sa kanilang tanggapan.

Bukod kay Vistan at Nosidal, positibong  kinilala din mula sa police gallery sina SPO1 Renato Gregorio, PO3 Mike Pornilos, PO2 Josefino Callora, PO2 Rolando Ladres, PO2 Dennis Tabliso, PO2 Ryan Malacad, PO2 Laurence Sagum  at PO1 Journey Joy Asayo at isang hindi tukoy ang pagkilanlan. Isinama rin sa inireklamo ang hepe nilang si Superintendent Balasabas.

Sa pahayag ng biktimang si Belinda Placido, 55, Cana­dian citizen, na may ilang linggo pa lamang nagbalikbayan sa kanyang lalawigan sa Brgy. Sembol, San Felipe, Zambales, hinuli siya ng may 11 pulis na kinabibilangan ni SPO3 Nosidal sa akusasyong siya ang mastermind sa pananak­sak sa mismong anak nito na wala namang maipakitang dokumento o warrant of arrest.

Sumama umano siya kahit hindi niya umano alam ang ibi­ni­bintang na kasong frustrated murder dahil nakita niyang kasama sa arresting group si SPO3 Nosidal na kanyang kaibigan sa loob ng 12 taon at naging boyfriend umano simula noong taong 2010.

Habang nasa MPD-Station­ 4 Anti-Crime Unit ay kinumbinse siyang magbigay ng P1-milyon upang hindi na makasuhan kaya tinawagan umano ng biktima ang kapatid na nagdala ng P800,000.

Dahil kulang pa, ineskortan pa umano siya ng mga pulis upang makapag-withdraw ng P200,000. 

Show comments