MANILA, Philippines – Tatlong sports utility vehicles (SUV) ang iniulat na nakardyak sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay PO3 Dennis Telen, ang huling sasakyang natangay ay ang isang kulay silver na Honda CRV (XGL-837) na pag-aari ng isang Antonio Interino, 74, residente ng Brgy.Talipapa, sa lungsod.
Sinabi ni Telen, nangyari ang pagtangay sa sasakyan ni Interino sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa Brgy. Bahay Toro, ganap na alas-8:30 ng umaga noong Linggo.
Ayon kay Interino, tatlong suspect ang sangkot sa carjacking kabilang ang isa dito na nakasuot ng asul na t-shirt ng police patrol.
Sinasabing kasama ni Interino ang kanyang kasambahay nang pahintuin ang kanyang sasakyan ng mga suspect at tutukan sila ng baril.
Agad na sumakay ang tatlong suspect sa CRV habang sina Interino at kasambahay ay pinaupo sa likod nito. Matapos ang maikling biyahe pagsapit sa Brgy. Canumay, Valenzuela City ay pinababa na rin ang mga biktima.
Sabi ni Telen, nakilala ni Interino ang isa sa mga suspect sa rogue gallery at napatunayan nilang may koneksyon ito sa ‘Onad carnap group’.
Noong Sabado ng hapon, isang kulay itim na Nissan Navarra (NUO-975) na pag-aari ni Arlen de Guzman at isang kulay pulang Mitsubishi Montero (NNO-374) ni veterinarian Dr. Walter Tejada ang kinardyak din sa magkahiwalay na lugar.
Nakilala ni Tejada isa sa mga suspects sa rogue gallery at kasamahan din ng ‘Onad carnap groups’. Ang mga suspect na natukoy nina Interino at Tejada ay magkaibang tao pero iisang grupong kinaaniban.
Naniniwala si Telen na isang grupo ang nasa likod ng serye ng carjacking sa lungsod kung saan limang sasakyan ang natangay.