MANILA, Philippines - Isa namang constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nakaranas ng pananakit sa isang motorista na kanyang sinita sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Dumulog kamakalawa ng gabi sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) si Regalado Sanciangco, 38, ng San Ildefonso, Bulacan upang ireklamo ng pananampal at panununtok ng isang driver ng Isuzu Altera (ZBW-639) sa may kahabaan ng EDSA, Cubao noong Sabado.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente habang nagbabantay si Sanciangco sa may naturang lugar malapit sa Five Star bus terminal ganap na alas 8:08 ng gabi.
Diumano, nakita niya ang nasabing sasakyan na nakahinto at dahil maaring magresulta ito sa trapik, sinenyasan ni Sanciangco ang driver nito na umabante.
Subalit sa halip na sumunod, lumabas umano ang driver ng Isuzu Altera at sinampal si Regalado. Dahil dito, nagpasya si Regalado na isulat na lang ang plaka ng kanyang sasakyan, pero hindi pa niya ito nagagawa ay muli umano siyang sinugod ng driver at pinagsusuntok sa mukha.
Natigil lamang umano ang pananakit ng driver sa constable nang awatin ang una ng kasamahan nito saka bumalik sa kanilang sasakyan at pinaharurot ito patungong Timog.
Ang insidente ay agad na ipina-alam ni Sanciangco sa kanilang metrobase bago nagpasyang magpa-medical sa East Avenue Medical Center saka nagpa-blotter sa CIDU.
Ayon naman kay SPO1 Eric Lazo, nagpa-blotter lamang umano si Sanciangco sa kanilang tanggapan for record purposes at hindi kailangan ang anumang imbestigasyon.