MANILA, Philippines - Posibleng aburido sa kalagayan sa buhay kaya nagawang magbigti ng isang 28-anyos na mister sa loob ng kaniyang bahay sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling-araw. Kinilala ang nasawi na si Anthony Cardines, ng Nickel St., San Andres, Bukid.
Nabatid na bukod sa kakapusan sa pera, problema din ng biktima ang palagian pagbaha sa loob ng bahay na halos barung-barong lamang, kahit sa sandaling pag-ulan lamang.
Sa ulat, dakong alas-5:30 ng madaling -araw nang tumambad sa kinakasama ng nasawi ang nakabiting biktima. Wala rin umanong kuryente ang bahay ng biktima na walang kakayahang magpakabit ng kuryente. Aburido umano ang biktima dahil sa kahirapan ng buhay dahil pamumulot lang ng basurang maibebenta ang pinagkakakitaan para ibuhay sa pamilya.
Nabatid na habang malakas ang pagbuhos ng ulan, pinalipat umano ng biktima ang kaniyang live-in partner at anak sa kapitbahay upang makitulog dahil binabaha sila. Nang balikan ng ka-live-in ang biktima ay nakabigti na ito sa nylon cord.