MANILA, Philippines - Bunsod nang walang tigil na malalakas na buhos na ulan simula nitong Biyernes ng gabi ay tumaas ang antas ng tubig sa Marikina river, sanhi upang alertuhin ng lokal na pamahalaan ang mga residente.
Sa tweet ng Marikina City public information office, nabatid na hanggang alas-8:48 ng umaga ay umabot na sa 15.2 metro ang antas ng tubig sa naturang ilog.
Nabatid na kapag umabot ng 15 hanggang 16 metro ang antas ng tubig ay itinataas na ang alerto sa Alarm Level 1, na nagbibigay ng ‘warning’ sa mga residente. Pag umabot naman ito sa Alarm Level 2, o tumaas ng 16 hanggang 17 metro ang taas ng tubig, kinakailangan nang maghanda sa paglikas ang mga tao habang kakailanganin na nilang boluntaryong lumikas kapag itinaas ang tubig sa Alarm Level 3 o kapag umabot ang water level sa 17 metro.
Itinuturing namang pinakamataas na alerto ang Level 4 kapag lumagpas na sa 18 metro ang taas ng tubig. Dito ay kakailanganin nang magsagawa ng forced evacuation ang mga awtoridad.