2 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang pinaniniwalaang holdaper nang makipagputukan sa mga operatiba ng Manila Police District matapos mangholdap ng isang vendor sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Wala pang pagkakakilanlan ang mga nasawi na inilarawang nasa edad na 25-30, 5’5’’ hanggang 5’7’’ ang taas, nakasuot ng kulay gray na sweat shirt, jersey shorts at bull cap habang ang isa pa ay nasa 28-30-anyos, may taas na 5’7’’, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, dilaw na belt, khaki shortpants at itim na tsinelas.

Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng MPD-Homicide Section, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang maganap ang insi­dente sa kanto ng Malvar at Singalong Sts., Paco.

Nabatid na isang Ma. Consolacion Nakar, 26, vendor, ang hinoldap ng mga suspect habang naghihintay ng masasak­yang dyip sa panulukan ng Taft Avenue at Malvar Sts.

Unang lumapit sa biktima ang isang armadong lalaki na tumutok ng baril at puwersahang kinuha sa kaniya ang dalang pouch bag na naglalaman ng pera at cellphone bago sumakay sa nag-aabang na taxi na doon naghihintay ang kasama nito bago pinasibad sa direkisyon ng Malvar.

Nagkataon naman na dumaan ang nagpapatrulyang mga pulis ng Manila-City Hall Public Assistance (CHAPA).

Nang papalapit ang mga pulis ay bigla silang pinutukan ng mga suspect dahilan para gumanti sila ng putok kung saan bumulagta ang mga suspect.

Narekober sa tabi ng napatay na mga suspect ang pouch ng biktima at dalawang kalibre .38 na baril.

Show comments