MANILA, Philippines - Isang holdaper ang nasawi nang mabigo ang tangkang panghoholdap ng grupo nito sa isang armored van makaraang makipagbarilan ang mga alertong security guard sa loob ng Alabang Town Center (ATC) sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Nakilala ang napatay na holdaper sa pamamagitan ng nakuhang ID na si Pepito Paler. Sugatan naman ang dalawang security guard na sina Alexander Tablada at Lope Bacomo, na nasa kritikal na kondisyon ngayon sa Asian Hospital dahil sa tama ng bala sa leeg.
Lima katao pa ang sugatan makaraang tamaan ng nabasag na salamin sa loob ng Sterling Bank of Asia na pinasabugan ng mga suspect.
Kabilang dito ang hindi pa pinangalanan na manager ng naturang banko, dalawang staff, isang guwardiya at isang kliyente.
Dakong alas-10:05 ng umaga nang matunugan ng mga security guard ang presensya ng mga armadong suspect na hinihintay ang pagdating ng armored van ng Bank of the Philippine Island (BPI) na magdedeliber ng pera sa Sarina money changer na nasa loob ng Alabang Town Center.
Nang masita, agad na nagpaputok ang mga suspect sa mga guwardiya na gumanti rin ng putok.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok, biglang may sumabog sa Sterling Bank na nasa kanto ng Commerce Avenue at Molito Complex hanggang makatakas ang mga holdaper lulan ng isang Mitsubishi Lancer (PKR-173) at motorsiklo.
Inabandona naman ng mga suspect ang naturang kotse sa may Alabang-Zapote Road.
Narekober sa naturang lugar ang isang kalibre .45 na gamit ng nasawing holdaper, at isang granada.
Matatandaan na noong Pebrero 10, dalawang security guard ang nasawi nang holdapin din ng mga armadong lalaki ang isang armored van na magdadala rin ng pera sa isang money changer sa loob ng ATC.
Samantala, agad namang sinibak sa posisyon ang chief of police ng Muntinlupa na si Sr. Supt. Ramiro Bausa, at pansamantalang ipinalit si SPD chief of staff Senior Supt. Conrad Capa, bilang OIC.