Mga menor-de-edad na nahuhuli sa droga, dumarami

MANILA, Philippines - Umabot na sa kabuuang 74 na menor-de-edad ang naaresto sa paglabag sa iligal na droga simula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency kahapon.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr., sa naturang bilang, 37 dito ay naaresto sa kasong possession of illegal drugs.

Dagdag ni Gutierrez, tinitignan ngayon ng kanilang kagawaran ang posibilidad ng pagtaas o pagbaba ng bilang ng mga naarestong kabataan dahil ang bilang na 74 ay tumuntong lamang ng pitong buwan ngayong taon, kumpara sa halos isang taon mula 2010 hanggang 2011 na dito nakapagtala ng 116 minors na naaresto.

Samantala, ayon pa kay Gutierrez, base sa consolidated data ng kanilang ahensya, mula 2003 hanggang 2011, ay pumalo sa kabuuang 923 minors, na may edad 17 pababa ang naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang huling menor na naaresto ng PDEA ay ang isang 16-anyos na elementary student na nakuhanan ng isang teabag ng pinatuyong marijuana habang bumibisita sa kanyang nakakulong na kapatid sa Cagayan de Oro City.

Magdadala sana ng pagkain ang binatilyo sa nakapiit niyang kapatid nang makuha ang iligal na droga.

Show comments