Tauhan ng security agency, utas sa holdap
MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang lalaking empleyado ng security agency nang barilin sa ulo ng riding-in- tandem sa Paco, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Danilo F. Ortiz Jr., 33, empleyado ng Lanting Security Agency na nakabase sa Malate, Maynila at residente ng Block 7, Lot 8, Banaba St., Park 4, Area-C San Martin II San Jose Del Monte, Bulacan.
Natangayan naman ng tinatayang P20,000 cash, cellphone, ATM at importanteng kagamitan ang mga kasama nitong sina Catherine Arceo, 28, administrative officer at Shally Barrozo, 23, finance staff, kapwa ng nasabing security agency, habang ang driver ng Toyota Innova (ZDN-940) ay kinilalang si Cesar Torres Cabanela.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa apat na mga suspect na tumakas sakay sa dalawang hindi naplakahang motorsiklo. Armado umano ng mga baril, naka-helmet ang nagsilbing mga driver at nakasuot ng mga bonnet ang dalawang angkas.
Sa ulat ni SPO2 Ronald Gallo, dakong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Quirino Ave., Paco, Maynila.
Nabatid na sakay ng Toyota Innova ang mga biktima na minamaneho ni Cabanela patungo sana sa Robinsons Mall sa Ortigas.
Habang naiipit pa umano sa trapik ay biglang dinikitan ang nasabing sasakyan ng mga biktima ng riding-in-tandem at isa ang tumapat sa passenger seat kung saan agad na pinaputukan si Ortiz.
Isa sa suspect ang bumasag sa salamin ng sasakyan ng mga biktima at sapilitang inagaw ang mga bag ng mga biktima, bago mabilis na tumakas sa direksiyon ng Pandacan.
Narekober naman sa sasakyan ng mga biktima ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 baril.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.
- Latest
- Trending