Obrero nabundol, na-shoot sa hukay, tusok sa bakal
MANILA, Philippines - Nagmistulang barbeque ang katawan ng isang manggagawa makaraang tumusok sa kanyang tagiliran ang isang baretang bakal matapos mabangga ng kotse at mahulog sa may anim na talampakang lalim na hukay sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ni Police Officer 2 Perlito Datu, imbestigador ng Quezon City Police District Sector 4 ang biktima na si Henry Menez, 32, residente ng Malinao, Bulacan na nasa malubhang kalagayan.
Ayon kay Datu, si Menez ay natusok ng bareta sa tagiliran matapos na mahulog sa hukay dulot ng pagkakabangga ng isang Honda City (XSC-417) na minamaneho ng isang Glen Magtolis, 37, na ginagamot sa hindi mabatid na ospital.
Sinabi ni Datu, nangyari ang insidente sa may kanto ng Araneta Avenue corner Victory Avenue, Brgy. Tatalon, sa lungsod, bandang alas-11:00 kagabi.
Diumano, kasalukuyang nagpapaandar ng water pump ang biktimang si Menez kasama ang dalawa pang kasamahan sa nasabing hukay nang biglang sumulpot ang Honda City at mabundol ang una.
Sinasabing si Menez ay manggagawa ng Maynilad kung saan may kinukumpuning tubo sa naturang lugar nang mangyari ang insidente.
Sa pagkakabundol kay Menez, diretsong nahulog ito sa nasabing hukay kasunod ng sasakyan hanggang sa pagbagsak sa ibaba ay natuhog siya ng nakatayong bareta sa tagiliran. Habang ang kotse naman ay halos mawasak dahil sa pagkakahulog, sabi pa ni Datu.
Sinabi ni Datu, maaring sa sobrang bilis ay hindi nakita ng biktima ang ginagawang hukay sa naturang lugar, kahit may mga karatula ng mga paalala na nakalagay dito.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ni Datu sa nasabing insidente, kung saan inaalam pa kung saang ospital dinala si Magtolis.
- Latest
- Trending