Marami pa ang susunod 16 'Kotong cops' sinibak ni Espina
MANILA, Philippines - Dinismis na sa serbisyo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Chief Supt. Leonardo Espina ang ‘kotong cop’ na si SPO4 Jose dela Peña na nambiktima sa kanyang anak at 15 iba pang tiwaling pulis na sangkot sa kasong robbery/extortion at iba pang mga kasong kriminal sa Metro Manila.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, inanunsyo ni Espina na epektibo kahapon ay dismis na sa serbisyo si Dela Peña ng Quezon City Police District at apat nitong kasamahan na sina PO3 Rodolfo de Jesus, PO3 Carlos Bromeo, PO2 Crodel de Jose at PO2 Dionel Rosario.
Ang mga ito ayon sa bagong NCRPO chief ay kanyang dinismis alinsunod sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya bilang Police Regional Director sa ilalim ng Republic Act 6975 at RA 8551 na magtalaga at magdismis ng mga tiwaling police personnel sa NCRPO.
Nilinaw naman ni Espina na walang kinalaman sa kaso ng robbery/extortion sa kanyang anak na kinasangkutan ni Dela Peña ang pagdismis niya rito at sa apat nitong kasamahan manapa’y base sa reklamo ni ret. Gen. Celso Castro ng AFP na aroganteng sinita nito nang walang search warrant o legal na basehan matapos na iharas rin at kotongan ang anak nito at imaneho ang sasakyan sa random checkpoint sa panulukan ng Brgy. Mariana, New Manila, Quezon City noong Nobyembre 7, 2009.
“Dela Peña will suffer the forfeiture of all his benefits that includes the cancellation of his retirement benefits and pension amounting to millions of pesos; his eligibility and disqualification for re-employment in the police service,” ani Espina.
Maliban dito, ayon pa kay Espina ay marami pang kaso ng robbery extortion, grave threat at harassment na kinasangkutan si Dela Peña. Bukod kay Dela Peña, tuluyan na ring dinismis ang iba pang ‘kotong cops’ matapos rebisahin ang mga nakasampang kaso sa mga ito.
- Latest
- Trending