Panibagong kaso vs ex-Palawan Gov. Reyes
MANILA, Philippines - Sinampahan ng panibagong kaso ng anak ng pinaslang na radio broadcaster si dating Palawan Governor Joel Reyes dahil sa paglabas nito sa bansa gamit ang pekeng pasaporte.
Nagtungo kahapon ng umaga sa Pasay City Prosecutor’s Office ang pinakamatandang anak ni Ortega na si Mika Ortega kasama ang abogado nito at nagsampa ng kasong paglabag sa Philippine Passport Act of 1996 na may katumbas na parusang pagkakulong ng anim hanggang 15 taon pagkabilanggo.
Matatandaan na nagawang makalabas umano ng bansa ni Reyes noong Marso 18 nang gumamit ng pekeng pasaporte gamit ang pangalan ng isang Joseph Lim Pe. Sumakay ito sa isang Cebu Pacific flight 5J751 patungo sa Vietnam at kinumpirma naman ng mga opisyales ng Bureau of Immigration.
Ayon sa panig ni Ortega, matibay ang ebidensya nila sa pagsasampa ng panibagong kaso laban kay Reyes dahil sa pag-amin ng mga opisyal ng BI at ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Matatandaan na nahaharap sina Reyes at kapatid nitong si Coron, Palawan Mayor Mario Reyes sa warrant of arrest sa kasong pagpatay kay Ortega, nang sila ang iturong mga mastermind sa krimen. Nabatid na nag-ugat ang pamamaslang sa broadkaster dahil sa mga banat nito sa kanyang programa sa radyo laban sa magkapatid na Reyes.
May nakalaang P2 milyon para sa anumang impormasyon upang madakip ang dating Palawan Governor.
- Latest
- Trending