MANILA, Philippines - Patay ang isang factory worker habang sugatan ang tatlo pang katao nang magkasalpukan ang isang motorsiklo at isang taxi kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Hilbert Valdez, 20, ng Capalad St., Brgy., Marulas Valenzuela City.
Ginagamot naman sa naturang pagamutan sanhi ng mga tinamong sugat sa katawan sina Gerwel Aquino, 21, residente ng T. Conception St., Brgy. Marulas, Valenzuela at Rene Cioco, 21, residente ng Dizon St., Brgy. Tinajeros, Malabon City.
Nasa custody naman ng Malabon City Traffic Enforcement Unit ang driver ng taxi (TXD-924) na si Rodolfo Ocer, 55, nakatira sa Barlies St., Phase 1-B, NBBS, Navotas City matapos itong gamutin sa Valenzuela Medical Center dahil sa mga sugat na tinamo. Naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Gov. Pascual, Brgy. Acacia, Malabon City.
Nabatid na magkakaangkas sa Rusi motorsiklo (8990-YP) ang tatlong biktima at habang binabagtas ang nabanggit na lugar ay nag-overtake ang mga ito sa isang pampasaherong jeep.
Dahil dito, nasakop ng motorsiklo ang kabilang linya ng kalsada na naging dahilan upang bumangga ang mga ito sa kasalubong na taxi na minamaneho naman ni Ocer, kung kaya’t tumilapon ang tatlong sakay ng motorsiklo.
Agad na dinala ng mga rumespondeng tanod ang mga biktima sa nasabing pagamutan subalit hindi na rin umabot ng buhay ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Valdez habang dinala din ang driver ng taxi sa VMC.