MANILA, Philippines - Inumpisahan na ni bagong National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Leonardo Espina ang pangakong paglilinis sa mga bugok na pulis nang agad na ipag-utos ang imbentaryo sa mga kasong kinakaharap ng mga parak sa Metro Manila.
Nais ni Espina na mabatid ang kabuuang bilang ng mga kaso na kinakaharap ng mga pulis, mga pinakamabibigat na kaso, resolusyon at status nito sa korte o sa opisina ng PNP kung saan ito isinampa.
“I would like to tell my abusive personnel, enough is enough. Hindi ko kayo pwedeng patawarin kapag nang-api kayo ng tao. Hindi ko kayo tatantanan,” ayon kay Espina.
Nabatid na nitong Sabado pa hiningi ni Espina ang imbentaryo at inaasahang makukuha na niya ito ngayong Miyerkules upang mapag-aralan. Dito nito makikilala kung anong police district ang may tauhan na may pinakamaraming kaso at kung sinu-sinong mga pulis ang may maraming mga kasong naisampa laban sa kanila.
Nais din ni Espina na mapabilis ang pagbababa ng resolusyon ng mga naka-pending na kaso laban sa mga inirereklamong pulis sa loob ng 30 araw ng kanyang pag-upo sa NCRPO.