MANILA, Philippines - Isang 16-anyos na binatilyo ang nasawi makaraang pagtulungang bugbugin at barilin ng isa sa 12 kapwa niya menor-de-edad na nag-ugat sa hinihinalang “gang war” sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Andrew Magno, water station helper at residente ng Himlayan Road Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Inaalam naman ng awtoridad ang pagkakakilanlan sa grupo ng mga suspect na sinasabi na kumuyog sa biktima.
Sa ulat ni PO2 Alvin Quisumbing, may-hawak ng kaso, nangyari ang gang war sa harapan ng St. Anthony School na matatagpuan sa kahabaan ng Himlayan Road, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod, ganap na alas-11:25 ng gabi.
Ayon kay Sonny Gutang, kaibigan ng biktima, nakatambay sila ng biktima sa harapan ng nasabing paaralan nang biglang dumating ang grupo ng mga suspect at sila’y pinagbabato.
Dahil dito, gumanti ng pamamato ang grupo ng biktima sanhi para mauwi ito sa rambulan, hanggang sa mahablot ng mga suspect si Magno at pagbubugbugin.
Inawat umano nila Gutang ang mga suspect subalit isa sa mga ito ay armado ng sumpak at binaril sa katawan si Magno, saka nagpulasan ng takbo ang mga huli.
Agad namang dinala sa Quezon City General Hospital (QCGH) si Magno na binawian din ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa insidente.