64-anyos na lola 'tinalo' ng snatcher

MANILA, Philippines -  Sugatan ang isang 64-anyos na lola na nagtamo ng bali sa bewang makaraang itulak sa kalye at sakalin ng dalawang lalaking nang-agaw ng kanyang kuwintas sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Si lola Teodora Prudencio, ay isinailalim ngayon sa operation sa St. Luke’s Medical Center matapos ang insidente, ayon sa Police Station 7. Sinabi ni PO2 Reymond Balantac, natukoy ni Lola ang isa sa mga suspect, na agad na naaresto matapos ang insidente sa may New York Street sa Cubao.

Kinilala ang suspect na si Noli Felizardo, 28, na nahaharap ngayon sa kasong robbery at serious physical injuries.

Nangyari ang insidente habang si Prudencio, residente ng Project 2, ay naghihintay ng masasakyang bus sa Brgy. E. Rodri­guez ganap na alas-7 ng umaga.

Mula rito ay biglang sumulpot ang mga suspect at biglang sinakal ang matanda para makuha ang kuwintas nito. Hindi nakuntento, itinulak pa ng mga suspect ang matanda sa kalye dahilan para magtamo ito ng pinsala sa katawan.

Isang security guard ng bus station ang agad namang tumawag sa pulis na agad ding rumesponde at tinugis ang mga suspect base sa pagsasalarawan ng matanda kung saan nadakip nga si Felizardo.Hindi naman nabawi ang kwintas ng biktima na nagkakahalaga ng P5,000 na pinaniniwalaang naipasa na sa kasamahan ng suspect.

Show comments