MANILA, Philippines - Sumuko na kahapon sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-asawang Reynold at Analiza Marzan na matagal nang pinaghahanap ng batas kaugnay sa pagmamaltrato sa dati nilang kasambahay.
Matapos ang isinagawang imbestigasyon, tuluyang ikinalaboso na sa Senado ang mag-asawa kaugnay naman sa arrest warrant na inilabas ng tanggapan makaraang hindi siputin ng mga ito ang itinakdang pagdinig kamakailan.
Kasama ng mag-asawa ang kanilang abugado na si Atty. Joel Ferrer at tatlong anak sa pagtungo sa tanggapan ni NBI director Nonnatus Caesar Rojas dakong alas- 11:00 ng tanghali kahapon.
Sumugod din sa NBI ang complainant nilang si Bonita Baran, 21, tubong Catanduanes na namasukan ng 5 taon sa mag-asawa. Sinamahan siya ni Public Attorneys’ Office chief, Atty. Persida Rueda-Acosta, na siyang tumututok sa paghawak ng kaso.
Giit ng mag-asawang Marzan, kaya sila sumuko ay upang pabulaanan ang mga akusasyon at handa umano silang harapin ang korte kung makakakuha ng patas na paglilitis.
Iginiit ng mag-asawa na apektado na ang kanilang mga anak dahil sa kinasangkutang kaso.
“Ang pangyayaring ito ay isang malaking bangungot sa amin na hanggang sa mga oras na ito ay hindi namin maintindihan kung bakit napagbibintangan ng isang mabigat na kaso hanggang sa kami ay pinapaaresto na,” pahayag ni Analiza.
Samantala, sinabi ni Rojas na itu-turn over nila sa Senado ang mag-asawang Marzan matapos ang medical check-up dahil sa ipinalabas na arrest warrant noong nakalipas na buwan sa kabiguang dumalo sa tatlong committee hearings kaugnay sa reklamo ni Baran.
Dakong ala-1:00 ng hapon nang magtungo naman sa NBI si Senator Jinggoy Estrada na umako ng kustodiya, bilang kinatawan ng Senado.
Nahaharap sa kasong serious illegal detention sa Quezon City Regional Trial Court ang mga Marzan habang si Analiza naman ay may kaso pang attempted homicide at serious physical injury na itinuturo ni Baran sa pag-torture sa kanya na nagresulta sa pagkabulag ng kanyang isang mata. Si Reynold naman ay accessory to the crime dahil sa pagkunsinti sa ginagawa ng kanyang misis sa kasambahay.
Taong 2007 nang simulan umano ng mga Marzan ang pagmamaltrato at pananakit kabilang ang mga sugat nang kutsilyuhin, paluin sa ulo ng matigas na bagay hanggang sa pumutok, sapakin sa mata, pasuin ng plantsa at pakainin pa ng mga ipis.
Dahil sa mga pagbabanta ay hindi makatakas si Baran sa pamilya Marzan hanggang sa payagan na siyang umuwi sa kanilang lalawigan dahil hindi na umano siya mapakinabangan dahil bulag.
Depensa naman ng mag-asawa habang nasa NBI, itinuring nilang parang kapamilya si Baran simula noong taong 2007 at regular umano ang sahod nito.
Itinuro pa nila ang ama ni Baran na may kagagawan ng pananakit sa kaniya at pagkabulag dahil nagtapat umano si Baran sa kanila na malupit at laging nananakit sa kanilang magkakapatid ang ama sa Catanduanes.