MANILA, Philippines - Aabot sa P1 milyong halaga ng alahas at titulo ng lupain ang tinangay ng Dugo-Dugo Gang matapos mabiktima ang maid ng undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ni SPO4 Ding Pascua, hepe ng Investigation Division ng Quezon City PNP ang biktima na si Parisya Hashim-Taradji, 61, may-asawa, Undersecretary ng DSWD at nakatira sa Mapayapa Village 2 sa Barangay Holy Spirit sa nasabing lungsod.
Natangay sa biktima ang portable vault na naglalaman ng mga alahas, pasaporte ng mag-asawang Taradji, dalawang titulo ng lupa, ilang rehistro at iba pang dokumento ng kanilang dalawang sasakyan.
Samantala, inilagay sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang kasambahay na si Sheryl Balena, 20, tubong Antique.
Sa imbestigasyon ni PO2 George Caculba, nadiskubre ang pagkawala ng mga alahas at iba pang dokumento matapos dumating ang mag-asawang Taradji sa kanilang bahay at maging ang kanilang kasambahay ay nawawala.
Habang nagsasagawa ng pagsisiyasat sa bahay ng mag-asawa ay dumating naman ang kasambahay at sinabing nabiktima siya ng Dugo-Dugo Gang.
Kuwento ni Balena, bago ang insidente, nakatanggap umano siya ng tawag sa telepono buhat sa isang lalaki na nagsabing ang kanyang amo ay nasangkot sa vehicular accident at nangangailangan ng malaking halaga.
Nagawa umanong makabalik ng kasambahay dahil sa tinawagan ito ng kanyang amo sa cellphone kung saan sinabi nitong siya ay nasa Puregold at pinabalik ng bahay.(Ricky Tulipat)