MANILA, Philippines - Bumara sa toilet bowl ang apat na buwang fetus na di-pa tiyak ang kasarian kaya nadiskubre ito ng janitor ng ospital sa Malate, Maynila kahapon ng umaga.
Sa ulat ni SPO2 Amelito Lopez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9 ng umaga habang nililinis ni Jericho Bermudez, utility worker, ang ladies comfort room ng Ospital ng Maynila (OSMA) nang mamataan ang nakabara sa toilet bowl na supot.
Nang suriin ni Bermudez ang manipis na supot ay natukoy na fetus kaya kaagad nitong ipinagbigay-alam sa security personnel.
Pinaniniwalaang out-patient sa OSMA ang buntis na ina o kaya may binabantayang pasyente nang abutin ng pananakit ng tiyan at tuluyang malaglag ang nasa sinapupunan.
Inilagak sa St.Yvan Funeral morgue ang fetus para sa maayos na paglilibing.