MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa dalawang kabataan matapos itong pagbabarilin ng di-pa kilalang lalaki sa madilim na bahagi ng Baseco Compound sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, dead-on-the-spot ang 15-anyos na si Genard Borden habang namatay naman sa Gat Andres Memorial Medical Center si Jeffrey Hopio, 20, kapwa nakatira sa Block 1, Gasangan sa Baseco Compound, Port Area.
Sa imbestigasyon, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang magtungo ang dalawa sa madilim na bahagi ng Gasangan na sinasabing iskoran ng shabu.
Papalabas na ang dalawa sa nabanggit na compound nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan duguang bumulagta ang dalawa.
Sumaklolo naman ang lola ni Borden na si Ronalie Borden subalit wala ng buhay ang kanyang apo habang si Hopio naman ay isinugod ng mga kaanak sa ospital ngunit namatay din.
Narekober sa bulsa ni Hopio ang maliit na plastic sachet ng shabu na sinasabing kabibili pa lamang habang patuloy naman ang imbestigasyon.