Ship captain, 1 pa patay sa pamamaril sa loob ng barko
MANILA, Philippines - Dalawa ang nasawi kabilang ang isang kapitan ng barko at isang tauhan nito makaraang barilin ng nakaalitan ng huli habang naglalayag ang sinasakyan nilang oil tanker barge sa Tondo, Maynila, kahapon madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang sina Manuel Ramilo, 62, ship captain, residente ng Block 6, Lot 2, Montavilla Phase 2, Montalban, Rizal at Rolando Corsiga, 50, ship decker, ng Block 35, Lot 37, Willowbend 1 Subd., Pandi, Bulacan, kapwa mga sakay ng M/T Sarah Margarita.
Nakatakas naman ang suspect na si Reynaldo Bulawan, ship pumpman, ng Guson compound, Letre Road, Tonsuya, Malabon City, bago pa tuluyang dumaong ang barge sa Pier.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala- 1:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa loob ng M/T Sarah Margarita.
Destinasyon umano ng naglalayag na barge ang Petron Bataan Refinery sa Luban, Bataan upang magkarga ng banker fuel nang masagi umano ni Bulawan si Corsiga na nauwi sa mainitang pagtatalo. Hindi nagtagal ay nakarinig na lang ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga kasamahan hanggang sa makitang nakabulagta na si Corsiga.
Maging si Ramilo na kalalabas pa lamang umano ng pilot house ay nasapul ng bala nang barilin si Corsiga.
Hawak ng suspect ang baril at itak, inutusan umano nito ang karilyebong kapitan ni Ramilo na si Edwin Bisly, chief mate ng barge, na ibalik sa Delpan Pier ang barko, at doon umano lumundag sa tubig ang suspect na tumakas.
Ayon kay Bisly, nakainom ang suspect nang sumampa ito sa barge kaya nito nabundol nang makasalubong si Corsiga.
Ang mga labi ay kapwa nakalagak sa St. Yvan funeral homes para sa awtopsiya at safekeeping.
- Latest
- Trending