MANILA, Philippines - Nasa P3 milyon halaga ng cash, alahas at nakasama pa ang mahahalagang dokumento ang natangay sa isang negosyanteng Filipino-Chinese ng isang babaeng umano’y miyembro ng ‘Dugo-dugo gang” sa Binondo, Maynila.
Sa reklamo ng negosyanteng si Chanchan Cai, 31, residente ng Mandarin Square Building, Ongpin St., Binondo, Maynila inilarawan nito ang suspect na nasa edad 40, may taas na 4’10’’, may katabaan at morena.
Sa imbestiagsyon, dakong alas-12:00 ng tanghali nitong nakalipas na Miyerkules nang makatanggap ng tawag ang kasambahay ng biktima na si Jessa May Malinog at ayon sa babaeng nasa kabilang linya ay naaksidente ang kanyang amo (complainant) at kailangan niya umanong kunin ang vault ng amo na naglalaman ng pera at alahas.
Inutusan ang kasambahay na magtungo sa Libertad LRT Station sa Pasay City para doon sila magkikita.
Agad na kinuha sa silid ng amo ang vault na dahil sa bigat ay nagpatulong pa itong buhatin sa sekyu ng Mandarin Square Building.
Nakasilid sa kahon ang vault na binuhat ng sekyu at isinakay umano sa tricycle at mag-isang umalis.
Nang magkita ang katulong at suspect ay ibinigay naman ang dalang vault at sinabihan siya na hintayin lamang ang kanyang amo sa Department of Foreign Affairs (DFA) office.
Nagkataong napaaga ng uwi ang amo at dahil wala ang katulong tinawagan ito sa cellphone hanggang sa madiskubre na nabiktima na sila ng Dugo-dugo gang.