Parak itinumba sa harap ng live-in partner
MANILA, Philippines - Isang bagitong pulis ang itinumba ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanyang live-in partner sa loob ng isang internet shop, kung saan nadamay pang matamaan ng ligaw na bala ang isang estudyante na gumagawa lamang ng school project sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot dahil sa tinamong tatlong tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si PO1 Anthony Frias, 25, kasapi ng Batch 2010 ng “MASIDLAK” Bravo Company at nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion (RPSB) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at naninirahan sa San Jose St., Magsaysay Village, Tondo, Maynila.
Sugatan naman sa kamay ang estudyanteng si Kristille Calilung, 19, na tinamaan ng ligaw na bala.
Inilarawan naman ang nakatakas na salarin sa edad na 30-35, may taas na 5’5’’, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, nakasuot ng asul na t-shirt, gray bull cup, maong pants, rubber shoes at ang driver ng get-away motorcycle na kasabwat niya.
Sa ulat ni SPO1 Gerardo Rivera ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng CHOI’S Computer Shop na matatagpuan sa Capulong Highway, Tondo.
Nabatid na habang naglalaro ng video game ang biktima sa nasabing internet shop, katabi ang kanyang live-in partner na si Melissa Mateo nang dumating ang gunman at nilapitan ang biktima. Walang sabi-sabi itong pinaputukan bago tumakas ang suspect sakay sa nag-aabang na motorsiklo sa direksiyon ng Road 10.
Nakita na lamang na duguan din sa kamay si Calilung na katabi ng biktima sa computer. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay.
- Latest
- Trending