MANILA, Philippines – Tugis na ng mga awtoridad ang isang babae na nagkunwaring doktor para madukot ang isang bagong silang na sanggol sa isang ospital sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ang pagtugis ay gagawin ng tropa ni QCPD director Chief Superintendent Mario dela Vega, makaraang mailabas ang artist sketch ng nasabing babae na inilarawan sa edad na 30 pataas, may taas na 5’5’’ at morena.
Ayon kay Maria Cecilia delos Santos, ang babaeng suspect ay nakasuot ng uniporme ng doktor nang lapitan siya sa OB ward ng Sta. Teresita Hospital ganap na alas-4 ng madaling-araw nitong Martes.
Nagkunwari umanong doktora ang suspect at sinabihan si Delos Santos, na kukunin ang bata para sa gagawing newborn screening.
Ilang sandali, dumating ang isang hospital staff para kunin ang sanggol para paliguan kung saan nalaman ng naturang nanay na ang kumuhang babaeng nakasuot na doktor sa kanyang anak ay hindi kabilang sa staff ng ospital
Sabi ni Dela Vega, maaaring bihasa sa naturang modus ang babae dahil alam nito ang procedures sa ospital kung saan siya nagkunwaring isang doktor.