5 miyembro ng 'Tabas gang', timbog
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng Manila-City Hall Public Assistance (CHAPA) ang limang miyembro ng tinaguriang ‘Tabas gang’ na ang modus operandi ay manakot, mangotong at tumangay ng mahahalagang kagamitan ng mga estudyante sa CM Recto Avenue sa Sta. Cruz, Maynila.
Ipinagharap na ng mga kasong Robbery With Intimidation at Obstruction sa Manila City Prosecutor ang mga arestadong suspect na kinilalang sina Raymond Sumagi, Helbert Angeles, Roel Gomez, Jeffrey Bercasio at Edward Ramirez, pawang kuliglig driver.
Sa ulat ni PO3 Jupiter Tajonera, dakong alas-3:00 ng hapon nang arestuhin sa harapan ng Isetann Mall, sa CM Recto ang mga suspect dahil umano sa matinding pangingikil ng mga nasabing kuliglig drivers na may rutang Divisoria at Isetann mall sa mga pasahero na umaabot sa P400 hanggang P500 sa halip na dating P50 lamang.
Kinukuyog ng limang suspect ang mga pasahero kaya hindi makatanggi sa laki ng singil at kung walang pambayad ay sapilitang kinukuha umano ang mahalagang gamit ng mga ito tulad ng cellphones. Madalas umanong biktimahin ng mga ito ay mga estudyante na madali nilang natatakot.
Kinumpiska rin ng CHAPA ang tatlong kuliglig na gamit ng grupo.
- Latest
- Trending