MANILA, Philippines - Hindi naghiwalay maging sa kamatayan ang mag-asawang lolo at lola makaraang maipit at kasamang matupok sa loob ng kanilang bahay na nilamon ng apoy, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Kinilala ni Supt. Marcos Monday T. Valen, Marikina City Fire Marshal ang mag-asawang namatay na sina Feliciano Belen Jr., 77, at Melina Belen, 74, kapwa nakatira sa 20 Stardust St., Concepcion-2 ng lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Gremar dela Torre, dakong alas-10:05 ng gabi nang magsimulang lumiyab ang apoy mula sa master’s bedroom at mabilis na kumalat sa buong kabahayan.
Umabot ang sunog sa ikalawang alarma bago ito idineklarang fire out dakong alas-11:03 ng gabi. Tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng mga ari-arian natupok ng apoy.
Base naman sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), namatay ang mag-asawang matanda sa suffocation na hinihinalang dahil sa edad ay kapwa hindi na nagawang makalabas ng bahay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pamatay-sunog upang mabatid kung ano ang pinagmulan ng naturang apoy.