4 na pulis inireklamo ng kidnap at hulidap
MANILA, Philippines - Kasong kidnapping, robbery at paglabag sa anti-graft and corrupt practices act ang iniharap ng isang 62-anyos na negosyante laban sa apat na pulis kaugnay sa insidente ng pagtangay sa kanya sa Pasig City noong nakalipas na Sabado at ikulong sa presinto sa Sta. Mesa, Maynila saka siya hiningan ng malaking halaga.
Ayon sa biktimang si Niel Nayunay, residente ng Pasig City, tinangay siya ng mga suspect na sina PO2 Luisito Guttierez, PO1 Anthony Fernandez, PO1 Paulo Levin Nerviza at PO1 Wilfredo Cinco, na napag-alamang mga nakatalaga sa MPD-Station 8 at sa NCRPO.
Naganap ang insidente noong Sabado, alas-4:00 ng hapon, habang papauwi na umano ang biktima sa kanyang bahay kasama ang kanyang kasintahan, sakay ng motorsiklo nang harangin ng mga pulis.
Kinuha umano ng mga pulis ang susi ng kanyang motor at ng kanyang bahay at nang mabuksan ang bahay ay nilimas pa umano ng mga suspect ang mamahaling gamit ng biktima, pati mga panindang longganisa, na kanyang negosyo.
Nakalaya lamang siya mula sa pagkakakulong sa MPD-Station 8 nang magbigay ng halagang P75,000 ang kanyang kaanak, kinabukasan (Linggo).
- Latest
- Trending