2 tauhan ng NBI, nagbarilan: 1 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang special investigator ng NBI, habang sugatan naman ang isang jail officer makaraang magbarilan matapos ang mainitang pagtatalo kahapon ng madaling-araw sa loob mismo ng NBI Headquarters sa Taft Avenue, Manila.
Hindi na umabot ng buhay sa PGH si special investigator III Honorato Ocampo, dahil sa tinamong tama ng bala sa kanang kili-kili.
Ginagamot naman sa Medical Center Manila (MCM) ang nakabarilan nitong si Oscar Cabebe, jail officer ng NBI at tubong Ilocos Sur, na nagtamo naman ng bala sa kanang binti at daliri sa kaliwang kamay.
Ayon kay P/Senior Insp. Ismael dela Cruz, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:00 ng madaling-araw naganap ang insidente sa loob ng NBI compound.
Dumating umano si Ocampo na may dalang lalaking suspect na nais i-turn-over sa jail section ngunit umalma umano si Cabebe at ayaw i-detain doon ang arestadong suspect dahil sa kawalan umano ng kaukulang dokumento.
Nagalit si Ocampo at iginiit na may warrant of arrest ang dala niyang tao at dapat na itong ikulong, na nauwi sa mainitang pagtatalo at sa huli ay kapwa nagbunot ng kani-kanilang baril at nagputukan, kung saan tumumba na ang una na agad dinala sa PGH.
Isinugod din ang sugatang si Cabebe sa katapat na MCM.
Naging mahirap naman para sa grupo ng MPD-Homicide Section sa pamumuno ng hepe na si Sr. Insp. Joey de Ocampo na imbestigahan agad ang insidente dahil madaling-araw nang tunguhin nila ang NBI subalit hindi sila pinapapasok sa loob ng compound.
Dakong alas-10:00 na ng umaga nang payagan silang mag-imbestiga. Isinagawa ang imbestigasyon sa loob ng crime scene dakong alas-11:00 ng tanghali.
Sa pinakahuling development, inamin ni MPD-Homicide chief, na pinili ng maybahay ng biktimang si Honorato Ocampo na hawakan mismo ng NBI Death Investigation Division ang kaso.
Bago pa payagang pumasok ang mga imbestigador ng MPD, pumalag si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa natanggap na report na ayaw ng NBI papasukin para mag-imbestiga ang MPD sa nasabing barilan.
“Ano ’yon sila-sila ang magbabarilan tapos sila-sila ang mag-iimbestiga, hindi pupuwede iyon, nasa ilalim sila ng hurisdiksiyon ng Maynila. Kapag hindi nila pinapasok ang MPD, ako ang pupunta dun,” anang alkalde.
- Latest
- Trending