Team leader ng ERT, binoga ng holdaper, lasog pa sa sagasa
MANILA, Philippines - Dobleng trahedya ang sinapit ng isang team leader ng Emergency Response Team (ERT) na sumaklolo sa nagaganap na holdapan makaraang pagbabarilin ng isa sa limang holdaper at masagasaan pa ng isang delivery truck na napadaan habang nagaganap ang insidente sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Memesio Garsula, 38, matapos na magtamo ng tama ng bala sa ulo at malasog pa ang katawan sanhi naman ng pagkakasagasa.
Natangayan naman ng cash at mahahalagang gamit si Mark Julius Lero, 23, at asawa nitong si Khristine Lero, 25.
Tinangay din ang P2,500 cash na kita ni Eric Ramos, 30, taxi driver, ng Sto. Niño, Parañaque City.
Mabilis namang nakatakas ang mga suspect matapos ang krimen.
Sa report ni Det. Ramir Dimagiba ng MPD Homicide Section, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Road 10 at Moriones St., Tondo, Maynila.
Ayon sa salaysay ng mag-asawang Lero, sakay sila ng isang Sekino Mura taxi (TXA 367) na minamaneho ni Ramos at nagpahatid sa Tondo nang pagsapit sa Road 10 ay inabutan sila ng traffic light.
Habang nakatigil ang sinasakyang taxi ay lumapit ang mga suspect, binasag ang kaliwang salamin ng bintana, tinutukan ang mag-asawa at puwersahang kinuha ang kanilang cash at mahahalagang gamit.
Hindi pa nasiyahan ang mga suspect, kinuha pa ang P2,500 cash na kita ni Ramos saka tumakas ang mga ito.
Lumabas naman ng kanyang taxi si Ramos kung saan humingi ng saklolo kay Garsula na noon ay nagmamando ng traffic sa Gate 12 na agad namang rumesponde kung saan hinabol ang mga suspect at nakipagpalitan ng putok sa mga ito.
Lingid sa kaalaman ni Garsula, isa sa mga suspect ang nakalapit sa kanya at walang sabi-sabing binaril ito sa ulo na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Sa pagtumba nito ay dumadaan naman ang delivery truck (RGY 107) na minamaneho ni Ramil Managbanag ng J. Movers kung saan nasagasaan nito ang nakahandusay na si Garsula.
- Latest
- Trending