Basura sa Manila Bay, hindi maubos-ubos
MANILA, Philippines - Posible pang umabot ng isang buwan bago tuluyang mahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sandamakmak na basura sa baybayin ng Manila Bay.
Ito ang inamin ni MMDA General Manager Corazon Jimenez kahit na higit sa 300 trak na puno ng basura na ang kanilang nahahakot ilang linggo na ang nakalilipas makaraan ang matinding pag-uulan dulot ng Habagat.
Sinabi nito na may 70 kawani ng MMDA ang araw-araw na nag-aalis ng mga basura sa baybaying dagat, sa tulong na rin ng mga dala nilang heavy equipment at ilang kawani ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila.
Umapela na rin si Jimenez sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng hindi pagtatapon ng kanilang basura sa mga daluyan ng tubig laluna ang mga plastic at iba pang hindi nabubulok na basura na karamihan sa nakukuha nila sa Manila Bay.
Sinabi naman ni MMDA Solid Waste Management Office Chief Alexander Umagat na ang mga nakokolekta nilang basura sa baybaying dagat ay dinadala nila sa Pier 18 upang isakay sa gebara o barges na magdadala naman sa kanilang dumpsite sa Tanza, Navotas.
- Latest
- Trending