8-anyos dinukot sa iskul
MANILA, Philippines - Isang 8-anyos na batang babae ang umano’y dinukot sa loob ng kanyang paaralan ng apat katao kabilang ang isang Amerikano at isang babae sakay ng dalawang sasakyan sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Supt. Mario O. dela Vega, ang bata na grade 2 pupil at tubong California USA, ay dinukot sa loob ng School of the Holy Spirit na matatagpuan sa BF homes Subdivision sa Brgy. Holy Spirit sa lungsod ganap na alas-7:15 ng umaga.
Sinabi ni Dela Vega, isa sa mga suspect ang agad na naaresto at kinilalang si Guillermo Jorge Garcia, 44, at naninirahan sa Salcedo Place, Salcedo Village, Makati City.
Habang patuloy ang pagtugis sa tatlo pang kasamahan nito kung saan ang isa ay isang Black American, at sinasabing tatay ng bata na nakilalang si Anthony Ricks, at tatlo pang kasamahan nito.
Ayon sa pulisya, bago ang pagdukot sa bata, ayon sa security guard na sina Christopher La Guardia at Marjon Magdadaro na nagbabantay sa gate 1 Salazar St., BF Homes Subdivision, isang Toyota Vios na kulay Silver (TLO-480) na minamaneho ni Garcia ang dumating sakay ang nasabing dayuhan at isang babaeng Filipina, saka dumiretso sa paaralan.
Makalipas ang ilang minuto, dumating ang school service ng paaralan sakay ang biktima, at habang naglalakad ito papunta sa kanyang classroom, bigla itong nilapitan ng Amerikano, ayon sa mga security guards na sina Dominga Fangle at Beverly Rentrato ay nagpakilalang tatay ng bata.
Nagduda si Rentrato kung kaya tinangka niyang subaybayan ang mga ito, pero tinapik umano siya ng Amerikano at sinabing anak niya ang bata na kinumpirma naman ng huli.
Matapos nito ay sumakay ang mga suspect sa kotse na minamaneho ni Garcia at lumabas ng paaralan patungo sa Paredes St. kung saan pagsapit sa naturang lugar ay bumaba ang mga suspect kasama ang bata saka tumawid patungong Republic Avenue, kung saan naghihintay naman ang isang Toyota Corolla (TQR-362) at doon sumakay saka sumibat patungong Fairview.
Matapos maihatid ng suspect na si Garcia ang tatlo, bumalik ito ng BF homes hanggang sa masabat siya ng mga rumespondeng tropa ng pulisya na sina SPO3 Emeterio Dacumos at PO3 Edilberto Vargas ng PCP2, saka barangay tanod at arestuhin.
Dagdag ni Dela Vega, sa ngayon tinitingnan nila ang motibong agawan sa kustodiya ang naging pagdukot sa biktima, pero ang naturang imbestigasyon ay ipapadala na nila sa Anti-kidnapping Group sa Camp Crame para sa kaukulang disposisyon.
- Latest
- Trending