MANILA, Philippines - Isang pugot na ulo ng isang lalaki ang natagpuan ng isang batang nangangalakal sa kumpol ng mga basura sa Manila Bay, sakop ng Parola, Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ito na nakaluwa ang mata, namamaga dahil sa pagkababad sa tubig, manipis ang buhok, at nababalot ito ng packaging tape. Dakong alas-10 ng umaga nang matagpuan ang ulo ng isang Jessie Mark Gullas, 11, habang nangangalakal ng basura sa ilalim ng mga kabahayan sa Parola.
Nabatid na hightide umano kamakalawa ng gabi at posibleng inanod lamang ang pugot na ulo sa lugar at nakahalo na sa basura nang humupa ang tubig dagat. Inilagak sa Cruz Funeral Parlor ang pugot na ulo.