MANILA, Philippines - Hinatulan ng Manila Metropolitan Trial Court na makulong ang tatlong magkakamag-anak na napatunayang nagkasala ng Maliscious Mischief at Qualified Trespass to Dwelling na isinampa ng kanilang kapitbahay noong 2007.
Batay sa desisyon ng MTC Branch 8 Judge Marlina M. Manuel, sina Noemi Kuwagata, anak na si Christian at kapatid na si Bienvenido Gomez III ay pinatawan na makulong ng isang buwan at isang araw para sa kasong maliscious mischief habang pinatawan din sina Christian at Gomez na makulong ng apat na buwan hanggang dalawang taon sa kasong Qualified Tresspass to Dwelling.
Batay sa record, nag-ugat ang kaso sa umano’y pagbibitaw ng mapanirang salita ng mga akusado sa complainant na si Reynaldo Martin noong Hunyo 18, 2007.
Kinompronta ni Martin ang tatlo hinggil sa paninira ng mga ito sa kanyang dentista na siya umano ay “magbabagoong”. Kasunod nito ay ang pagpapalitan ng maaanghang na salita ni Martin at ng tatlong akusado.
Dito ay ipinasya ni Martin na umuwi ng bahay hanggang sa sundan nina Christian at Gomez at pumasok sa gate ng una habang patuloy ang pagbibitiw ng mga salita. Hindi naman pumasok ng gate si Noemi.
Hindi naman tinanggap ng korte ang testimonya ni Martin na armado ang mga akusado ng pamalo o anumang deadly weapon nang maganap ang komprontasyon.
Si Martin ay kinatawan ni Atty. Jose Icaonapo, Jr. na dating pangulo ng Philippine Trial Lawyers Association, Inc. at Integrated Bar of the Philippines Governor for Greater Manila Region at Managing Partner ng Icaonapo Litong and Associates Law Firm.