20% diskuwento sa gamot ng mga barangay official isinusulong

MANILA, Philippines - Kasabay ng patuloy na pagbibigay ng serbisyo sa kani-kanilang barangay nag­hain ng ordinansa si Manila 2nd District Councilor Ro­dolfo Lacsamana na mabigyan ng 20 por­syentong diskuwento sa pagbili ng gamot sa lahat ng mga government pharmacy ang mga barangay officials hanggang Sangguniang Ka­bataan Chairman.

Ayon kay Lacsamana, layon ng ordinansa na ma­tiyak na maayos ang pangangatawan at agad na magagamot ang sakit ng mga barangay officials na tumutupad ng kanilang tungkulin.

Kasama din sa nagsusulong sina 4th District Councilor Bimbo Quintos, XVI at 1st District Councilor Niño dela Cruz.

Maaaring mabigyan ng 20% diskuwento ang mga ba­rangay chairman, councilman, Bgy. Secretaries, trea­surer at mga Sangguniang Kabataan chairman.

Aniya, hindi biro ang tungkulin ng mga barangay officials kung saan 24 oras ang mga ito sa pagtupad ng kanilang tungkulin tulad ng pagmomonitor at pagba­bantay sa kanilang mga nasasakupan.

Tulad ngayon na iba’t ibang sakit ang umuusbong na maaaring dumapo sa mga barangay officials kabilang na ang dengue, leptospirosis, ubo at sipon.

Gayunman nilinaw ni Lacsamana na dapat na magpakita ng medical certificate at doctor’s prescription ang mga barangay officials upang mabigyan ng diskuwento.

Pagmumultahin naman ng P3,000 at pagkakakulong ng tatlong araw ang sinumang magsasamantala sa ordinansa sakaling maipasa sa City Council.

Ang Lungsod ng Maynila ay binubuo ng 897 barangay sa anim na distrito.

Show comments