Demolisyon sa Payatas nakaamba
MANILA, Philippines - Nakaumang ang malawakang demolisyon sa kabahayan sa Payatas area kaya nababahala ang mga residente na ilipat sa relokasyong inilaan sa kanila sa bayan ng Rodriguez, Rizal.
Ayon sa mga residente sa gilid ng dumpsite sa Leyte at Zamboanga Sts. sa Payatas B, noong Biyernes pa sila inabisuhan ni Ret. Col. Jamil Jaymalin, hepe ng dumpsite management kung saan inaalok sila ng relokasyon sa Eco Ville sa Brgy. San Isidro dahil sa nakaambang demolisyon anumang araw batay sa kautusan ng lokal na pamahalaan.
Ang kinatitirikan ng mga bahay ay sinasabing pag-aari ng GSIS at may proyektong nakalaan ang gobyerno.
Kasalukuyang nagpupulong ang mga residente sa lugar sa kanilang gagawing mga hakbang upang hindi muna matuloy ang planong demolisyon.
Sinasabing maraming mga bahay ang maaapektuhan sa kanilang pamumuhay sakaling agarang ipatupad ang demolisyon, kabilang ang pag-aaral ng kanilang mga anak gayundin ang kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay sa araw-araw.
Ang hakbang ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan na mailagay sa mas ligtas na lugar ang mga residente na nakatira sa mga critical areas.
- Latest
- Trending