MANILA, Philippines - Tinanggihan ng Quezon City prosecutor’s office na makapaglagak ng piyansa ang isang ginang na inireklamo nang pagmamaltrato ng isang kasambahay kamakailan.
Ayon kay Assistant City Prosecutor Ronald Torrijos, sa halip na payagang makapagpiyansa si Annaliza Marzan ng 75 Las Villas del Cielo, Visayas Avenue sa kaso nilang serious illegal detention ay inirekomenda pa nitong dalhin ang kaso sa mas mataas na korte sa Quezon City Regional Trial Court.
Ito ayon kay Prosecutor Torrijos ay makaraang makakita sila ng probable cause na nagdidiin kay Annaliza sa dalawang counts ng attempted homicide at 7 counts ng serious physical injuries.
Gayunman, inabsuwelto naman nito si Reynold Marsan, asawa ni Annaliza bilang accessory sa kasong serious physical injuries at attempted homicide dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Ani Torrijos, kumbinsido siya na mapaparusahan ng batas si Annaliza dahil sa mga ebidensiya nang pang-aabuso sa kasambahay na si Bonita Baran.
Sa reklamo ni Baran sa Senado kamakailan partikular na kay Senador Jinggoy Estrada, sinabi nitong pinaplantsa ng amo ang kanyang mukha, madalas saktan at di pinapakain.