Taxi driver tinodas ng pasaherong holdaper

MANILA, Philippines - Isang taxi driver na sinasabing nanlaban sa pasaherong holdaper ang pinatay at isinilid sa compartment ng kanyang taxi sa Pasig City kahapon ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Joselito Ladlad, 44; driver ng Blue Cab Taxi (UVN-424) at naninirahan sa San Antonio St. San Francisco, Del Monte, Quezon City.

Ayon kay PO3 Harold Mangaoil, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) ng Pasig City police, dakong alas-6:00 ng umaga ng mayroon umanong tumawag sa pulisya at inireport ang nasabing taxi na abandonado at nakaparada sa panulukan ng Luningning St., sa kanto ng Diwata St., sa Brgy. Rosario, Pasig City.

Pagdating ng mga nagrespondeng pulis sa nasabing lugar ay agad siniyasat ang nasabing taxi kung saan nang buksan ang compartment ay doon tumambad ang patay na biktima. 

Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng drivers license na nakuha sa pitaka nito. Sinabi ni Mangaoil, posible umanong nanlaban ang biktima sa kanyang naging pasaherong holdaper kaya siya pinaslang.

Show comments