Kelot binoga sa leeg, todas
MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraang barilin sa leeg ng isang gunman sa loob mismo ng kanyang bahay sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Salvador Tamondong, 29, residente ng Purok 14 Brgy Commonwealth sa lungsod.
Nangyari ang insidente ganap na alas-7:10 ng gabi.
Base sa paglalahad ng nakakabatang kapatid ng biktima na si Gisselle, nasa loob umano siya ng kanyang kuwarto nang marinig niya ang sigaw ng kanyang kuya kasunod ang isang malakas na putok ng baril.
Mabilis na lumabas ng kanyang kuwarto si Gisselle, kung saan tumambad sa kanya ang kapatid na naliligo na sa sarili nitong dugo habang hawak ang kanyang leeg.
Nakita rin umano ni Gisselle ang isang lalaki na nakasuot ng itim na jacket, habang nagmamadaling lumalabas ng kanilang bahay.
Gayunman, hindi umano namukhaan ni Gisselle ang suspect dahil nakatalikod anya ito nang tumatakas papalayo sa kanilang lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest
- Trending