MANILA, Philippines - Muling nagparamdam ang mga gumagalang ‘executioners’ sa lungsod Quezon makaraang dalawang bangkay na naman ng lalaki na hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuan dito kahapon ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District-Station 1 commander Superintendent Lino Banaag, tulad ng nakagawian ng mga salarin, ang mga biktima ay basta na lamang itinapon ng walang pagkakakilanlan maliban sa kanilang mga suot sa katawan.
Isinalarawan ang isa sa mga biktima sa pagitan ng edad na 40-45, may taas na 5’1”, nakasuot ng itim na t-shirt at asul na short pants. May tattoo din ito na “Jhun-Jhun” sa kanang braso nito.
Ang pangalawa naman ay nasa pagitan ng edad 40-45, may taas na 5’3” at nakasuot ng puting t-shirt at kulay brown na shorts.
Ayon kay Banaag, ang mga biktima ay pawang may marka ng pananakal nang matagpuan sa kanto ng Blumentritt Ext. at Sampaguita St., Brgy Salvacion, La Loma sa lungsod, pasado alas-6 ng umaga.
Sa ulat ni PO2 Alvin Quisumbing, may hawak ng kaso, ang mga bangkay ay natagpuan ng mga barangay kagawad na sina Nilo Flores at Alexander Borja, habang naglalakad papauwi buhat sa magdamag na pagpapatrulya.
Unang inakala na natutulog lamang sa sobrang kalasingan ang mga biktima, pero nang lapitan ay doon nila nakumpirma na mga patay na ito. Nitong nakaraang Sabado, dalawang bangkay din ng lalaki na nakasilid sa balikbayan box ang natagpuan sa Brgy San Antonio sa lungsod. Tanging pananakal din ang bakas na nakitang palatandaan ng pagpatay sa mga ito.
Nauna rito ang tatlong bangkay na natagpuan sa magkakahiwalay na lugar kung saan dalawa sa mga ito ang nakasilid sa Balikbayan boxes sa kahabaan ng North Diversion Road, Service Road ng Unang Sigaw, Malasimbo St., corner Cagna St., Brgy. Masambong, at Biak na Bato st., corner Quezon Avenue, Brgy. Sto. Domingo, noong August 4, 2012.